Sunday, June 10, 2012

EDITED SPEECH HEHEH


Bakit sa Unibersidad ng Pilipinas?

               Bago  ko masagot ito, ako muna'y magpapakilala. Magandang umaga sa inyong lahat. Edie Aimee Chavez Octaviano ang aking pangalan, mula sa lungsod ng Quezon, nagtapos ng haiskul sa FEU-FERN Diliman, bagong mag-aaral ng UPLB sa kursong BS Mathematics and Science Teaching.

               Ang aking ina ay maraming kursong inaral. Dalawa sa mga paaralang kanyang pinagtapusan ay ang UP Visayas at UP Diliman. Sa kanilang walong magkakapatid, lahat sila nakapasa ng UPCAT ngunit lima lang ang pinursigi ito. Bilang ikaapat na anak sa aming pitong magkakapatid, umasa ang aking ina na pumasa  naman sana ako rito sapagkat hindi nakapasa ang mga kapatid  kong nauna sa akin. Ang pangarap ng aking ina na makapasa ako ay kinalaunan ay naging pangarap  ko na rin palibhasa, sa pamamagitan ng kanyang mga kwento ay minulat niya ang aking mga mata sa ganda ng kalidad ng edukasyon ng UP.

               Sa aking labing anim na taong pagkabuhay sa mundong ito, gaya ng aking mga kapwa estudyante ay ilang beses na rin akong natanong tungkol sa aking mga pangarap. Kung anong gusto kong marating at kung anong gusto kong makamit, maraming beses na naitanong sa akin ng aking mga naging guro, kaibigan, kamag-aral, at lalong lalo na ng aking mga kamag-anak. Gaya ng marami, naguguluhan pa rin ako dahil hindi ako sigurado kung maabot ko nga ba talaga ang nais kong maabot.  Hanggang sa matagpuan ko ang sagot sa aking mga katanungan... Unibersidad  ng Pilipinas sa Los Banos, Laguna. Sigurado akong basta't nandirito ako, makakamtan ko ang aking mga pangarap kahit gaano pa ito kalaki at kahit gaano pa kamukhang imposible.

           Kaya nang malaman kong pumasa ako sa UPCAT, hindi maipinta ang kasiyahang aking naramdaman. Ako'y napasigaw ng sobrang lakas nang makita ko ang aking pangalan sa websayt kung saan makikita ang mga pangalan ng mga kapwa kong nakapasa. Sa sobrang lakas ng aking pagsigaw ay nagising ang dalawang sanggol sa aming bahay.

           Bakit BS Mathematics and Science Teaching? Hindi man ako pumasa sa aking unang piniling kursong BS Biology, sobra sobra na ang ligayang aking nadama. Pagsisikapin ko na lang ang pag-aaral at sa aking ikatlong taon ng BS MST, Biology ang field na aking ipagpapatuloy. Wala pa man ako masyadong alam sa aking kursong aaralin, malamang ako’y maraming matututunan sa larangan ng matematika at siyensiya.

               Alam ng lahat na mataas ang tingin sa mga nakapagtapos rito. Ika nga ng aking gurong tumulong sa aking makapasa rito na isa ring nagtapos sa UP ay malaki raw ang respeto sa kanila na nasa punto ng kapag ikaw ay mag-aaplay ng trabaho, 'pag nakita raw na ikaw ay nagtapos sa UP, napakalaki ng tsansang matatanggap  kaagad dahil alam nila ang lawak ng iyong pinag-aralan.

           Kaya wala akong dudang magagamit ko ang aking utak sa layo ng makakaya nito. Sigurado akong mararating ko ang nais kong marating habang ako’y nasa ilalim ng paggabay ng mga guro dito. Kahit ano pa mang hamon ang ibibigay sa akin ng aking mga magiging guro, sisikapin kong malagpasan ang mga ito. Kakayanin ko basta’t nandirito ako sa pader ng UP.

           Bakit dito? Bakit sa Unibersidad ng Pilipinas? Kailangan tayong mga iskolar ng bayan para tumulong sa ikabubuti ng ating lupang hinirang. Bakit UP? Dahil wala ng iba. Wala ng ibang unibersidad ang makakapagpatupad ng aking mga pangarap. Wala ng iba pang mas hihigit pa sa UP. Noon ay pangarap ko lamang ang maging iskolar ng bayan at iskolar para sa bayan. Ngayon ako'y ganap  nang isa sa libo libong iskolar sa ating bansa. Nararapat lamang sabihin na ito'y tunay na napakalaking karangalan. Hindi lang karangalan ngunit isa ring napakalaking pribilihiyo at kaakibat ng pribilihiyong ito ang mas higit pang mabigat na tungkulin, misyong ating dapat gampanan.

               Paano natin maibabalik sa bayan ang lahat ng kanyang ibinigay sa atin? Paano natin magagawa ang obligasyong ito? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti, pag-aalaga ng ating lupang sinilangan, pagbibigay  galang sa mga nakatatanda at pagbibigay respeto sa bawat isa. Simple ngunit, sa ngayo'y ang mga ito pa lamang ang ating magagawa bilang mga estudyanteng kakahakbang pa lamang sa buhay kolehiyo.

               Kailan natin sisimulan? Pagkatapos pa ba ng apat, lima o, anim na taon? Hindi dapat natin hintaying tayo'y makapagtapos muna bago natin simulan ang paglingkod sa ating bayan. Ngayon. Ngayon na. Ngayon na natin dapat simulan. Ang responsibilidad na ibinigay sa atin na paglingkuran ang bayan ay nararapat nating pagbutihin.

               Para sa akin, ang pagiging iskolar ay para na ring pagkakaroon ng kapangyarihang baguhin ang mga dapat baguhin. Kay rami ng mga suliranin ng ating bansa sa kasalukuyan at madadagdagan at madadagdagan pa ito kung walang kikilos para masolusyonan ang mga ito. Bilang iskolar ng bayan at iskolar para sa bayan, naniniwala akong malaki ang ating maitutulong sa paghubog ng ating magandang kinabukasan.

               Muli, ito si Aimee Octaviano nagsasabing, mga kapwa estudyante ng BS MST at  mga kapwa bagong mag-aaral, tara na at simulan na natin ang ating paglilingkod.

               Maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment