Bakit sa
Unibersidad ng Pilipinas?
Bago
ko masagot ito, ako muna'y
magpapakilala. Magandang umaga sa inyong lahat. Edie Aimee Chavez Octaviano ang
aking pangalan, mula sa lungsod ng Quezon, nagtapos ng haiskul sa FEU-FERN
Diliman, bagong mag-aaral ng UPLB sa kursong BS Mathematics and Science
Teaching.
Ang
aking ina ay maraming kursong inaral. Dalawa sa mga paaralang kanyang
pinagtapusan ay ang UP Visayas at UP Diliman. Sa kanilang walong magkakapatid,
lahat sila nakapasa ng UPCAT ngunit lima lang ang pinursigi ito. Bilang ikaapat
na anak sa aming pitong magkakapatid, umasa ang aking ina na pumasa naman sana ako rito sapagkat hindi nakapasa
ang mga kapatid kong nauna sa akin. Ang
pangarap ng aking ina na makapasa ako ay kinalaunan ay naging pangarap ko na rin palibhasa, sa pamamagitan ng kanyang
mga kwento ay minulat niya ang aking mga mata sa ganda ng kalidad ng edukasyon
ng UP.
Alam
ng lahat na mataas ang tingin sa mga nakapagtapos rito. Ika nga ng aking gurong
tumulong sa aking makapasa rito na isa ring nagtapos sa UP ay malaki raw ang
respeto sa kanila na nasa punto ng kapag ikaw ay mag-aaplay ng trabaho, 'pag
nakita raw na ikaw ay nagtapos sa UP, napakalaki ng tsansang matatanggap ka agad dahil alam nila ang lawak ng iyong
pinag-aralan. Nais kong magamit ang aking utak sa layo ng makakaya nito at alam
kong magagawa ko iyon rito.
Kaya
nang malaman kong pumasa ako sa UPCAT, hindi maipinta ang kasiyahang aking
naramdaman. Ako'y napasigaw ng sobrang lakas nang makita ko ang aking pangalan
sa websayt kung saan makikita ang mga pangalan ng mga kapwa kong nakapasa. Sa
sobrang lakas ng aking pagsigaw ay nagising ang dalawang sanggol sa aming
bahay. Hindi man ako pumasa sa aking unang piniling kursong BS Biology, sobra
sobra na ang ligayang aking nadama. Pagsisikapin ko na lang ang pag-aaral at sa
aking ikatlong taon ng BS MST, Biology ang field
na aking ipagpapatuloy.
Sa
aking labing anim na taong pagkabuhay sa mundong ito, gaya ng aking mga kapwa
estudyante ay ilang beses na rin akong natanong tungkol sa aking mga pangarap.
Kung anong gusto kong marating at kung anong gusto kong makamit, maraming beses
na naitanong sa akin ng aking mga naging guro, kaibigan, kamag-aral, at lalong
lalo na ng aking mga kamag-anak. Gaya ng marami, naguguluhan pa rin ako dahil
hindi ako sigurado kung maabot ko nga ba talaga ang nais kong maabot. Hanggang sa matagpuan ko ang sagot sa aking
mga katanungan... Unibersidad ng
Pilipinas sa Los Banos, Laguna. Sigurado akong basta't nandirito ako,
makakamtan ko ang aking mga pangarap kahit gaano pa ito kalaki at kahit gaano pa
kamukhang imposible.
Bakit
dito? Bakit sa Unibersidad ng Pilipinas? Kailangan tayong mga iskolar ng bayan
para tumulong sa ikabubuti ng ating lupang hinirang. Bakit UP? Dahil wala ng
iba. Wala ng ibang unibersidad ang makakapagpatupad ng aking mga pangarap. Wala
ng iba pang mas hihigit pa sa UP. Noon ay pangarap ko lamang ang maging iskolar
ng bayan at iskolar para sa bayan. Ngayon ako'y ganap nang isa sa libo libong iskolar sa ating
bansa. Nararapat lamang sabihin na ito'y tunay na napakalaking karangalan.
Hindi lang karangalan ngunit isa ring napakalaking pribilihiyo at kaakibat ng
pribilihiyong ito ang mas higit pang mabigat na tungkulin, misyong ating dapat
gampanan.
Paano
natin maibabalik sa bayan ang lahat ng kanyang ibinigay sa atin? Paano natin
magagawa ang obligasyong ito? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti, pag-aalaga
ng ating lupang sinilangan, pagbibigay galang
sa mga nakatatanda at pagbibigay respeto sa bawat isa. Simple ngunit, sa
ngayo'y ang mga ito pa lamang ang ating magagawa bilang mga estudyanteng
kakahakbang pa lamang sa buhay kolehiyo.
Kailan
natin sisimulan? Pagkatapos pa ba ng apat, lima o, anim na taon? Hindi dapat
natin hintaying tayo'y makapagtapos muna bago natin simulan ang paglingkod sa
ating bayan. Ngayon. Ngayon na. Ngayon na natin dapat simulan. Ang
responsibilidad na ibinigay sa atin na paglingkuran ang bayan ay nararapat
nating pagbutihin.
Para
sa akin, ang pagiging iskolar ay para na ring pagkakaroon ng kapangyarihang
baguhin ang mga dapat baguhin. Kay rami ng mga suliranin ng ating bansa sa
kasalukuyan at madadagdagan at madadagdagan pa ito kung walang kikilos para
masolusyonan ang mga ito. Bilang iskolar ng bayan at iskolar para sa bayan,
naniniwala akong malaki ang ating maitutulong sa paghubog ng ating magandang
kinabukasan.
Muli,
ito si Aimee Octaviano nagsasabing tara na at simulan na natin ang ating
paglilingkod.
Maraming
salamat po.
No comments:
Post a Comment